Tuesday, March 19, 2019

"Kape At Salita" At "Pasada Sais Trenta" Ng DZMM Pampasigla Ng Araw Ng Mga Pinoy

Laging may aasahang diskusyong puno ng pag-asa at inspirasyon tuwing Sabado at maiinit na talakayan sa malalaking isyu sa bayan mula Lunes hanggang Biyernes ang mga Pilipino salamat sa mga programang “Kape at Salita” at “Pasada Sais Trenta” ng DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo.

Inaabangan ng mga tagapakinig at tagapanood ng “Kape at Salita” nina Bro. Bo Sanchez, Bro. Alvin Barcelona, Bro. Randy Borromeo, Rissa Singson Kawpeng ang pagtuturo nila ng praktikal na aplikasyon ng mga turo sa Bibliya, na mistulang pahinga sa mabibigat na balita ng linggo.

Samantala, patok pa rin ang masiglang batuhan ng tanong at kuro-kuro nina Peter Musñgi and Pat-P Daza na mga bagong anchor ng “Pasada Sais Trenta,” kung saan higit na naiintindihan ng sambayanan ang mga isyung may kinalaman at epekto sa kanilang pamumuhay.

Humarap ang mga anchor ng dalawang programa sa media sa isang press conference noong Marso 15 sa Novotel Manila sa Quezon City, kung saan higit silang nagkwento tungkol sa mga programa at kanilang karanasan dito.

Hunyo 2018 nagsimula ang “Kape at Salita” matapos magkasundo ang ABS-CBN News at Shepherd’s Voice Radio & Television, Inc. (SVRTVI) o Kerygma Radio para dalhin ang programa sa DZMM. Ani Bro. Alvin, karaniwang tanong at tulong sa pamilya, Diyos, at pera ang dinudulog sa kanila ng mga tagapakinig.

“Ang usapin tungkol sa pera ay isang realidad at pangangailangan na naapektuhan ang halos lahat ng aspeto ng buhay - pamilya, kalusugan, katuparan ng mga pangarap - ngunit kailangang nakabatay sa aral ng Diyos. Kung hindi ay magiging diyos nga ang pera imbis na gamitin ang pera upang makapaglingkod sa Diyos at dakilain Siya,” paliwanag niya.

Dagdag ni Bro. Randy, “Ang pera ay hindi masama. Ang pera sa kamay ng mabuting tao ay mabuti. Kapag magkaroon tayo ng tamang pananaw tungkol sa pera at ayon sa Salita ng Diyos, hindi tayo masisilaw dito bagkus gagamitin natin ito sa tamang paraan.”

Ayon naman kay Rissa, malaking tulong sa kanilang adbokasiya ang maging bahagi ng DZMM, na hindi lang napakikinggan sa AM radio, kundi napapanood rin sa cable TV at ABS-CBN TVplus, at may malaking presensya online.

“Mula nang napunta kami sa DZMM, kahit tatlong linggo pa lang kami noon, madaming lumalapit sa akin at sinasabing napapanood o napapakinggan nila ang aming programa. Napakalawak talaga ng naaabot ng DZMM,” aniya.

Samantala, mas marami na ring naabot sina Peter at Pat-P mula nang lisanin ang kanilang programang “Teka Muna” tuwing Sabado, na tumagal ng limang taon, para sa “Pasada Sais Trenta.” Sa parehong programa, nakakapanayam nila ang mga tao sa likod ng balita at nahihimay ang mga isyu.

Dagdag Ani Peter, hindi naging mahirap para sa kanila na tanggapin ang bago nilang asaynment maski may kaakibat na malaking sakripisyo ang lumabas sa pangaraw-araw na programa.

“Pagpapakita ito ng tiwala at kumpyansa nila sa amin. Nakita nila sa amin na handa na kaming gumawa ng programang pang araw-araw.”

Agad namang silang naisabak sa matinding tanungan sa DZMM Ikaw Na Ba Senatorial Candidates’ Interviews, kasama ang “Dos Por Dos” tandem nina Anthony Taberna at Gerry Baja. Isa itong napakasayang karanasan lalo na kay Pat-P na nakipagsabayan sa mga beterano sa brodkasting tulad nina Anthony, Gerry, at Peter.

“Na-interview namin ang pinakamaraming kandidato, 48 out of 63, kasi nauna kaming nagsimula sa ibang network. Dumating ang mga kandidato kasi naramdaman nilang mabibigyan sila dito ng patas na airtime at pagkakataon, malaki mang pangalan sila o baguhan,” aniya.

Abangan ang “Pasada Sais Trenta” mula Lunes hanggang Biyernes, 4:30 pm sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo. Para sa balita, sundan ang @DZMMTeleRadyo sa Facebook at Twitter o tumungo sa news.abs-cbn.com/dzmm. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa abscbnpr.com.





No comments:

Post a Comment

BRGR rises to new level of prominence with music video of the official debut single “SNOWFLAKES”

The future smash also features O SIDE MAFIA’s Gee Exclsv Filipino hip-hop producer BRGR is ready to step into the limelight with his own hea...