Pagkatapos paglaruan ang indie films at Pinoy rom-com, nagbabalik ang “Ang Babae sa Septic Tank” para magpatawa at kutyain ang paggawa ng isang historical biopic na muling pagbibidahan ni Eugene Domingo bilang isang bilib na bilib sa sarili at mapagmataas na bersyon ng sarili niya.
Mapapanood na ngayong Hulyo 17 sa iWant ang “Ang Babae sa Septic Tank: The Real Untold Story of Josephine Bracken,” ang ikatlong edisyon sa sikat na “Septic Tank” series na isinulat ni Chris Martinez at idinirek ni Marlon Rivera.
Sa bagong seven-episode na “Septic Tank” series, papatunayan ni Eugene na kaya niyang magdirek, bumida, at magprodus ng una niyang pelikula tungkol kay Josephone Bracken, isang mestiza at ang huling kasintahan ni Jose Rizal.
Bilang direktor, papakialaman ni Direk Uge ang lahat ng aspekto ng pelikula, maging ang script, editing, costumes, na magdudulot ng gulo sa set.
Kasa-kasama naman ni Eugene sa serye ang iba pang artistang gaganap bilang “bersyon” ng kanilang mga sarili, kabilang na si Tony Labrusca na ika-cast bilang ang pinakamachong Jose Rizal.
Makikipagkumpitensya rin sina Mylene Dizon at Joanna Ampil sa isa’t isa bilang sina Narcisa at Saturnina, mga kapatid ni Rizal, para mapansin at mapuri ni Direk Uge,
Magsisilbi namang screenwriter ng pelikula ni Direk Uge ang award-winning director at writer na si Jose Javier Reyes na makakasalpukan niya sa pagkakakwento ng naturang biopic.
Para naman patotohanan o pabulaanan ang mga detalye sa pelikula, tampok din sa “Septic Tank 3” ang kilalang historian na si Ambeth Ocampo para ibahagi ang mga totoong kwento tungkol sa mahahalagang karakter na ito sa kasaysayan.
“Sa panahon ng pandaraya, fake news, at pagbabago ng kasaysayan ngayon, ‘Ang Babae Sa Septic Tank 3: The Real Untold Story of Josephine Bracken’ ang pinakanakakatawa, pinakamahalaga, at pinakanakakatuwang series na mapapanood niyo sa iWant at kahit saan pa,” ayon kay Martinez.
Bago naman mapapanood ang serye, maaaring panoorin nang libre sa iWant ang unang dalawang “Ang Babae sa Septic Tank” movies tungkol naman sa indie film industry at Pinoy rom-com.
Ang “Ang Babae sa Septic Tank 3” ay ipinrodus ng Quantum Films at Dreamscape Digital.
Abangan ang pitong episodes nito simula Hulyo 17 sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, sundan ang follow @iwant sa Twitter at @iwantofficial at @dreamscapedigital sa Instagram, o mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantPH.
No comments:
Post a Comment