Monday, October 8, 2018

Cinema One Originals 2018 Magsisimula Na Sa Oktubre 12

Original. Ang salita na naging malaking bahagi ng festival sa nakaraang 13 taon. Ang pagiging orihinal ang nangungunang isinusulong ng Cinema One Originals.

“I Am Original” ang tagline ng 14th Cinema One Originals. Parehong deklarasyon ito, ng filmmakers at performers, at pangako, na ang mga tampok na pelikula ay hindi lang maganda kungdi ‘flawsome,’ salitang naglalarawan ng festival ngayong taon. Hindi tungkol sa perfection ang pagiging orihinal. Boring ang perfection. Ang pagiging orihinal ay tungkol sa sariwang boses at pagkakaiba-iba ng bawat isa, may mali man ngunit magaling pa rin.


Sa pagtataguyod pa ng originality ng mga Pinoy, susuportahan din ng Cinema One Originals ang isa pang klase ng produktong lokal sa labas ng sinehan sa pakikipag-ugnayan nito sa e-commerce website na www.karton.ph. Tampok ang iba’t ibang authentic at handcrafted Filipino products nito sa festival, kabilang na ang gourmet at artisanal food at beverages, natural at organic wellness at beauty products, mga libro, home décor, paintings, accessories, bags at iba pa. Mabibili ang ilan sa mga produkto mula sa nasabing website sa festival.

Isa sa filmmakers sa Cinema One Originals ngayong taon ay gumawa ng kanyang ikatlong pelikula para sa festival. Dalawa naman sa kanila ay nagbabalik para sa ikalawang pagkakataon. Dalawa rin ang matituturing na mahalagang bahagi ng indie scene: ang isa ay nagbabalik para sa pinakahihintay na ikalawang pelikula, ang isa ay nagbabalik para sa kanyang ika-siyam na pelikula. Isa pa ang nagbabalik para sa ikalawang kwento pagkatapos ng kanyang highly acclaimed debut film. Tatlo naman ang gumawa ng kanilang unang pelikula.
Nakasentro sa krimen ang karamihan sa mga kwento ngayong taon ngunit mula sa iba’t ibang perspektibo.

Ang “A Short History of a Few Bad Things” ni Keith Deligero (Cinema One Originals 2016 Best Director para sa “Lily”) ang pinaka-diretsahan, isang noir procedural na may temang socio-political.
Inilalarawan naman ng “What Home Feels Like” director na si Joseph Abello ang kanyang ikalawang pelikula na “Double Twisting Double Back” bilang sports crime film na nakasentro sa buhay gymnast.

Ang “Hospicio,” na nagsisilbing pagbabalik ni Bobby Bonifacio sa paggawa ng pelikula, ay tila sequel sa kanyang “Numbalikdiwa,” na nagsimula sa isang krimeng hindi matagumpay at nauwi sa isang hospiyong tila nababalot ng lagim.

Nagbabalik si Carl Papa (director ng Cinema One Originals 2015 Best Picture na “Manang Biring”) sa isang animated feature na may titulong “Paglisan,” na tungkol sa mag-asawang nagsisikap buhayin ang kanilang pagsasama habang hinaharap nila ang pagsubok ng sakit na dementia.
Tungkol naman sa isang transgender na magiging surrogate mother sa kanyang transgender na pamangkin ang “Mamu And A Mother Too” ni Rod Singh.

Kwento ng “Pang MMK” ni John Lapus ang buhay ng isang binatang bumisita sa libing ng kanyang amang malayo sa kanya, ang pagbisitang magdadala sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Ang “Never Tear Us Apart” ni Whammy Alcazaren (director ng 2013 Cinema One Originals film na “Islands”) ay iikot sa Third World espionage na may halong old country folklore.

Kakaiba rin ang “Asuang” ni Rayn Brizuela na tungkol sa kwentong superhero inversion. At ang “Bagyong Bheverlyn” ni Charliebebs Gohetia ay iikot naman sa isang sawi sa pag-ibig na babae na malalamang may bagyong nalalapit, ang bagyo na mula kanyang sariling nararamdaman at upang mapigilan ang pamiminsala nito ay kailangang hanapin niya ang kanyang kaligayahan.

Ang Cinema One Originals ay binuo sa ilalim ng festival partnership program sa Film Development Council Of The Philppines (FDCP). Abangan ang lahat ng mga tampok na pelikula simula Oktubre 12 hanggang 21 sa TriNoma, Glorietta, Gateway, Santolan Town Plaza, at sa Powerplant; sa Cinelokal theaters—SM North Edsa, SM Megamall, SM Manila, at SM Sta. Mesa, at sa alternative cinemas—FDCP Cinematheque Manila, Up Cine Adarna, Cinema ’76, Black Maria Theater at Cinema Centenario.

Mabibili ang ticket sa halagang P200 bawat isa para sa major at alternative cinemas, at sa halagang P150 naman para sa mga estudyante at sa SM CineLokal theaters.

Bisitahin ang ktx.abs-cbn.com para bumili ng festival passes. Sundan din ang @CinemaOneOriginals (FB), @c1origs (Twitter) at @c1originals (IG) para sa updates. #C1ORIGINALS #IAMORIGINAL





No comments:

Post a Comment

Regina Song to Bring “Fangirl: The Tour” to Manila next month!

Singapore-based singer-songwriter Regina Song is set to make her highly anticipated Philippine debut with Fangirl: The Tour next month. The ...