Nais makasama ang buong pamilya sa nalalapit na concert…Masayang-masaya at puno ng pasasalamat si Anji Salvacion sa nalalapit niyang “Feels: The Concert” sa April 30 (Sabado), ang una niyang solo concert kung saan hangad niyang maka-connect sa fans niya.
“Sobrang special at important nito sa akin kasi mashe-share ko ‘yung moment sa mga supporters ko at inaabangan ko talaga ‘yung maranasan ‘yung bond ng performer sa audience niya,” ani Anji.
Kahit hindi masyadong nagbigay ng detalye tungkol sa mga kaabang-abang na performances na inihanda niya para sa digital concert, sinigurado naman ng dating “Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10” celebrity housemate na hindi magkukulang sa concert vibe at relatable na ‘feels’ ang event.
Ibinahagi rin ni Anji sa “Feels: The Concert” virtual media conference ang pangarap niya na maisama ang bahagi ng hometown niyang Siargao sa show.
“Sa Siargao ako lumaki at doon bumuo ng family ‘yung parents ko. Gusto ko sanang madala ‘yung buong pamilya ko sa concert ko at makasama silang kumanta para mas maging special ‘yung moment,” sabi niya.Kamakailan lang ay inilabas ni Anji ang single niyang “Dalampasigan” na siya mismo ang nagsulat at sumisimbulo sa mga alaala niya sa Siargao lalo na ang kabataan niya kasama ang kanyang ama.
Mabibili pa rin ang VIP at regular tickets para sa “Feels: The Concert” ng ABS-CBN Events sa KTX.ph sa halagang P399 at P199. Samantala, sold out na ang SVIP tickets na may kasamang behind-the-scenes documentary ng concert bukod pa sa access sa Zoom after-party at main concert link.
Abangan si Anji sa kanyang “Feels: The Concert,” na mapapanood sa KTX.ph 8PM sa April 30 (Sabado). Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.