Malaking pasabog ang dala ng TV5 sa pagtatapos ng Marso sa pagbubukas ng pinakabagong primetime series ng Kapatid network na Beki Boxer simula ngayong March 31. Patutunayan ng Beki Boxer na hindi hadlang ang estado sa buhay, kasarian at maging ang sexual orientation ng isang tao sa pagtupad ng kaniyang mga pangarap at mithiin sa buhay.
Malaking break din ang na-jombag ng Kapatid actor na si Alwyn Uytingco na siyang gaganap sa title role ng maaksyong comedy series na tiyak rin namang aantig sa puso ng mga manonood. Sa media launch na ginanap sa Oasis Manila sa Aurora Boulevard, Quezon City, ipinisilip ng Kapatid network ang pilot episode ng Beki Boxer. Umiikot ang serye sa kwento ni Rocky Ponciano (Alwyn Uytingco), isang lalaking may natural na talento sa pagboboksing. Nang matalo sa isang mainit na boxing match ang kanyang amang si Max (Christian Vasquez), naging pangunahing misyon ni Rocky na maging isang world-class boxer upang mabawi ang nawalang karangalan ng kanilang pamilya.
Ngunit hindi basta-bastang boksingero si Rocky. Habang ang mga pamatay niyang suntok ay kinatatakutan ng kanyang mga kalaban, alam niya sa kanyang sarili na ang hari ng ring ay isang… bading.
Matutupad kaya ni Rocky ang kanyang hangarin na mabawi ang nawalang karangalan ng kanyang ama at kanilang pamilya? Ano ang magiging reaksyon ng kanyang ama pag nalaman nitong ang anak niyang boksingero ay isang beki? At magiging hadlang ba ang kanyang pagiging beki sa kanyang mga pangarap?
Makakasama ni Alwyn sa Beki Boxer sina Christian Vasquez, Candy Pangilinan, Cholo Barretto, Onyok Velasco, Joross Gamboa, John Regala, Claire Hartell, Kristel Moreno, Danita Paner at si Vin Abrenica na gaganap bilang si Atong, ang love interest ni Rocky.
Mapapanood ang Beki Boxer simula Lunes, March 31, 7PM sa TV5!
No comments:
Post a Comment