Tuesday, December 15, 2020

Metro Manila Film Festival 2020 inanunsyo ang 10 opisyal na kalahok

Sa kabila ng pandemya, tuloy na tuloy pa rin ang ika-46 na Metro Manila Film Festival ngayong kapaskuhan.

Ayon kay MMDA Chairman at kasalukuyang chairman ng MMFF Danilo Lim, malaking bahagi ang MMFF sa pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas kaya tama lamang na ipagpatuloy nito ang pagbibigay kasiyahan sa maraming Pilipino

Salamat sa kanilang pakikipag-partner sa Globe, mapapanood ng marami ang magagandang pelikulang opisyal na kalahok sa MMFF sa pamamagitan ng internet sa UPSTREAM pagka-kasama sa GMovies sa halagang P250 lamang kada pelikula at $10 naman para sa mga Pilipino sa ibang bansa. Sa pamamagitan ng UPSTREAM, mas mainam at ligtas ang panonood ng mga customers, at siguradong mapoprotektahan ang intellectual property rights ng mga manlilikha sa tulong ng Globe’s #PlayItRight campaign. Ang #PlayItRight ay anti-piracy advocacy ng Globe na nagbibigay proteksyon sa industriya laban sa illegal streaming at content piracy.

“Dahil online ngayong taon ang MMFF, hindi lamang ang mga Pilipinong nasa Metro Manila at buong bansa lamang ang makakapanood. Pati na rin ang ating mga kababayang naka-base sa ibang bansa ay may pagkakataon na para mapanood ang MMFF,” sabi ni Lim sa virtual press conference ng MMFF noong Martes, Nobyembre 24. 

Sa naturang presscon din inanunsyo ng MMFF ang 10 opisyal na kalahok ng MMFF na inaasahang ikatutuwa ng lahat ng klase ng manonood ng pelikulang Pilipino. Mas marami ang pelikulang kalahok ngayong tao dahil online ang MMFF.

Una na rito ang “Magikland” na magugustuhan ng mga kabataang mahilig sa video games. Sa direksyon ni Christian Acuña at produksyon nina Lore Reyes at ng yumaong Peque Gallaga kasama ang Brightlight Leisure Productions, ang pelikulang ito ay pinagbibidahan nina Miggs Cuaderno, Elijah Alejo, Joshua Eugenio at Princess Aguilar.

Sa mga mahilig sa horror o nakakatakot na pelikula tuwing MMFF, nandyan ang “The Missing” ni Direk Easy Ferrer. Mula sa Regal Entertainment, ang produksyon na nagbigay sa atin ng napaka-popular sa MMFF na “Shake, Rattle and Roll,” ang pelikulang ito ay pinangungunahan nina Joseph Marco, Ritz Azul at Miles Ocampo.

Para naman sa mga mahilig sa nakakatakot na pelikula na may kasamang komedya, kasama din sa MMFF ngayong taon ang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandang Itim” sa direksyon ni Topel Lee.  Mula sa Cineko Productions, bida rito si Vhong Navarro kasama sina Ritz Azul, Benjie Paras, Joross Gamboa, Ryan Bang at Ion Perez. 

Puro katatawanan naman ang idudulot ng pelikulang “Pakboys: Takusa” mula sa Viva Entertainment. Sa direksyon ni Al Tantay, pinapakita ng pelikula ang mga leksyong matutunan ng mga komedyanteng sina Janno Gibbs, Andrew E., Dennis Padilla at Jerald Napoles matapos silang mahuli ng kanilang mga asawa na nambababae. Kasama din dito sina Natalie Hart, Angelu de Leon, Maui Taylor, Ana Roces, Marissa Sanchez at Leo Martinez. 

Kikiligin naman ang mga mahilig sa mga kwento ng pag-ibig sa pelikula ni Mac Alejandre na “Tagpuan,” isang love triangle na pinagbibidahan nina Iza Calzado, Alfred Vargas at Shaina Magdayao. Mula sa panulat ni Ricky Lee at kinunan sa Hong Kong at New York, ito ay isang produksyon ng Alternative Vision Cinema.

Ang kwento naman ng buhay ni Father Fernando Suarez ang isinasalarawan ng “Suarez, The Healing Priest.” Mula sa direksyon ni Joven Tan at produksyon ng Saranggola Media Productions, mapapanood dito ang natatanging pagganap ni John Arcilla kasama sina Dante Rivero at Jin Macapagal.

Dalawang pelikula naman na tumatalakay sa LGBTQ ay kasama din sa MMFF ngayong taon. Una na rito ang “Isa Pang Bahaghari” ni Joel Lamangan, tungkol sa isang nagbabalik na OFW (Phillip Salvador) na gustong bumalik sa kanyang iniwang asawa (Nora Aunor) at mga anak (Zanjoe Marudo, Joseph Marco and Sanya Lopez). Si Michael de Mesa ang gumaganap bilang kanilang gay best friend.

Mula sa Clever Minds, Inc. at sa direksyon naman ni Dolly Dulu, ang “The Boy Foretold by The Stars” ay tumatalakay sa BL (Boys Love) ng dalawang estudyante sa high school na ginagampanan nina Adrian Lindayag at Keann Johnson.

Kalahok naman ng manunulat at direktor na si Antoinette Jadaone ang “Fan Girl” na umani na ng mga papuri sa ibang bansa. Mula sa pinagsamang pwersa ng ABS-CBN Films' Black Sheep, Globe Studios, Project 8, Epicmedia, at Crossword Productions, ang pelikula ay tungkol sa dalagitang (Charlie Dizon) nagkagusto ng todo sa idolo niyang actor (Paulo Avelino).

Bukod sa “Isa Pang Bahaghari,” ang pelikulang’ “Coming Home” ni Adolfo Alix, Jr. na produksyon ng Maverick Films ay kwento rin ng isang OFW na hindi rin agad tinanggap ng kanyang mga anak pagbalik sa Pilipinas. Ang pelikula ay pinangungunahan nina Jinggoy Estrada, Sylvia Sanchez Edgar Allan Guzman, Martin del Rosario, Shaira Diaz, Vin Abrenica, Julian Estrada at Jake Ejercito. 

“Maraming salamat sa MMFF sa pagkakataong ipagpatuloy ang tradisyong ito para sa pamilyang Pilipino. Makakapanood na ang publiko ng mga palabas sa MMFF sa bagong paraan na ito, na nakakatulong sa panunumbalik ng lokal na industriya ng pelikula,” ayon kay Albert de Larrazabal, Globe’s Chief Commercial Officer.   

Mapapanood lahat ng sampung kalahok ng MMFF mula araw ng Pasko, Disyembre 25. Pumunta sa UPSTREAM.ph para sa karagdagang impormasyon. 


No comments:

Post a Comment

A Heartfelt Journey of Faith and Redemption: “Paquil” Brings Tradition to Life in a Powerful New Film Starring Beauty Gonzalez and JM de Guzman

Resiko Entertainment Production proudly unveils "Paquil", a stirring and culturally rich film exploring themes of faith, identity,...