Sunday, January 20, 2019

Angel Locsin hahanapin ang sarili sa ABS-CBN serye na “The General’s Daughter”

Ang kaniyang karakter ay maiipit sa laban sa pagitan ng mortal na magkalaban, na babago sa kaniyang buhay at pagkatao sa “The General’s Daughter”, na mapapanood sa labas ng Pilipinas via TFC

Magbubukas ang taon nang puno ng aksyon sa pagsasama-sama nang pinakamahuhusay na mga aktor ng iba’t-ibang henerasyon sa inaabangang seryeng “The General’s Daughter” na mapapanood sa karamihan ng mga bansa sa mundo via The Filipino Channel (TFC), na mayroong streaming ang pilot episode via TFC Online (www.TFC.tv) sa Enero 21.


Pinangungunahan ang “The General’s Daughter” na si Angel Locsin na gaganap bilang Rhian Bonifacio, ang anak ng tinitingalang heneral ng militar na patuloy na maghahangad ng pagmamahal ng kaniyang pamilya. Itinuturing nga ni Locsin na isa ito sa pinakamahirap na karakter na kaniyang ginampanan sa isang serye.

“Marami akong nagawang roles, pero masasabi ko na ito ‘yung pinaka-complex na character gagawin ko. Mahirap po siya. Pero fun dahil ang mga kaeksena ko magagaling umarte, so nakakakuha ako sa kanila ng emosyon,” sabi ng Philippines’ Primetime Action-Drama Queen.

“I think ito yung perfect moment na babalik po ako ng teleserye. Parang nandito po lahat ‘yung dream ko makatrabaho. Napapaligiran (ako) ng mga idol ko po, mga tinitingala, at nirerespeto ko po sa industriya,” papuri naman niya sa cast ng serye.

Mapapanood din sa serye ang beteranong aktor na si Tirso Cruz III bilang si Gen. Santiago Guerrero, ang ama ni Rhian na huhubog sa kaniya bilang pinakamagaling na sandata laban sa kanilang kalaban. Kasa-kasama din nila si Amelia, na gagampanan ni Janice De Belen, ang ina ni Rhian na puno ng galit dahil sa pagkamatay ng panganay niyang anak.

Kaabang-abang din ang karaketer ni Albert Martinez bilang Gen. Marcial De Leon, ang mortal na kaaway ni Santiago na sinisisi nito sa pagkamatay ng kaniyang anak. Muling pabibilibin naman ni Eula Valdez ang mga manonood sa pagganap niya bilang Corazon, ang butihing asawa ni Marcial.

Mula pa noong pagkabata, ipinamulat na kay Rhian na kaaway niya ang mga De Leon, kaya naman papasok siya sa militar bilang espiya upang mapabagsak ang taong pumatay sa kaniyang kapatid. Ngunit sa paglapit niya sa mga De Leon, mas mapapalapit din siya sa sekretong bumabalot sa kaniyang buhay --- si Marcial ang tunay niyang ama, at ginawa lamang siyang tauhan ni Santiago upang mapabagsak ang mortal na kaaway ng kanilang pamilya.

Magiging balakid din kay Rhian ang pag-ibig sa pagpasok sa buhay niya nina Franco (Paulo Avelino) at Ethan (JC De Vera), na parehong mag-aagawan para sa pagmamahal niya. Makikilala niya rin ang kaniyang karibal na si Jessie (Ryza Cenon), ang dating nobya ni Ethan na makikipagkumpitensya kay Rhian para muling makuha ang dating mahal.

Samantala, makakasama rin sa serye ang batikang aktres at Diamond Star na si Maricel Soriano sa pagganap niya bilang Isabelle, ang babaeng kukupkop kay Rhian matapos itong mabaril at malunod sa dagat. Sa tulong niya, mas makikilala ni Rhian ang sarili at malalaman ang katotohanan sa likod ng kanyang pagkatao,

Ipapakita naman ni Arjo Atayde ang husay niya sa pag-arte bilang ang special child na si Elai, ang anak ni Isabelle na patutunayan kay Rhian na sa puso makikita ang tunay na karakter ng isang tao.

Magbibigay kulay din sa serye sina Ronnie Alonte bilang si Ivan at Loisa Andalio bilang Claire na kakikitaan ng pag-ibig sa kabila ng kaguluhan sa kanilang paligid.

Makakasama rin sa “The General’s Daughter” sina Art Acuna, Anne Feo, Cholo Barretto, Kim Molina, Kate Alejandrino, Luz Valdez, at Nico Antonio. Ito ay sa ilalim ng direkyon nina Manny Palo at Mervyn Brondial.

Tutukan ang “The General’s Daughter” na mapapanood sa karamihan ng mga bansa sa labas ng Pilipinas via TFC. Ang pilot episode ng programa ay mayroong streaming sa lahat ng TFC platforms kasabay ng local airing nito sa Enero 21, at 8:30 p.m. (Manila time) sa karamihan ng mga bansa, maliban sa U.S. kung saan ang simulcast streaming ay sa East Coast lamang.

Maaari naman balikan ang mga nagdaang episodes via TFC Online (www.TFC.tv) at TFC IPTV sa karamihan ng mga bansa worldwide.

Para sa updates tungkol sa show, bisitahin ang TFC Facebook page na angkop sa inyong kinaroroonan. Maki-connect sa kapwa global Kapamilyas at i-follow ang @KapamilyaTFC at KapamilyaGlobalPR sa Twitter at Instagram.

No comments:

Post a Comment

Regina Song to Bring “Fangirl: The Tour” to Manila next month!

Singapore-based singer-songwriter Regina Song is set to make her highly anticipated Philippine debut with Fangirl: The Tour next month. The ...