Thursday, June 23, 2016

Comeback Album ni Gloc-9 Sa Star Music Na "Sukli", Mabibili Na Nationwide!

Matapos ang sampung taon, nagbabalik na sa kanyang unang tahanan ang OPM rap icon na si Gloc-9. Malapit nang mapakinggan ang comeback album ng award-winning rapper sa Star Music na “Sukli,” kung saan siya rin ang nagsilbing overall producer.

“Excited ako para sa mga pwede ko pang magawa ngayong nakabalik na ako sa Star Music family ko. Ang ‘Sukli’ po ay isang album na nagpatunay sa akin na ang pagsulat ng kanta pa rin ang aking nasagot na pangarap. Kaya masaya rin po ako na maririnig na ng mga patuloy na sumusubaybay sa mga likha kong awitin,” ayon kay Gloc-9.


Matapos ang anim na studio albums, isang DVD release, at ilang hit songs, wala na dapat na patunayan pa si Gloc-9. Ngunit sa “Sukli,” muling ipinapamalas ni Gloc-9 ang kanyang talento upang makapagbigay ng bago sa kanyang mga tagapakinig.

Kamakailan, nailabas na ang music video para sa carrier single ng album na “Hoy!” na tungkol sa tibay, tatag, at pagiging masayahin ng mga Pilipino sa kabila ng kahirapan at trahedya.

“Mas marami pang kuwento ng ating mga kababayan ang nailatag ko kasabay ng mga bagong likhang musika at tinig ng mga nirerespeto kong artists. Katulad din po ng mga naunang album ko, ang tema po nito ay mga pangyayari sa buhay-buhay ng ating mga kababayan,” pagbabahagi niya.

Sa kantang “Kalye,” mapangahas niyang tinatalakay ang isang makasaysayang pangyayari sa bansa gaya ng EDSA 1986 Revolution. Sa “Payag,” buong tapang niyang tinatanong kung bakit nananatiling tahimik ang kanyang mga kababayan tungkol sa kalagayan ng bansa. Sa “Sagwan,” bida naman ang mga kwento ng mga Pilipinong seamen na nagsasakripisyong malayo sa kanilang mga pamilya para kumayod.

Talaga namang tumatak sa masa ang musika ni Gloc-9 dahil sa makabuluhang mensahe ng mga ito. Kaya naman nakatanggap na siya ng higit sa 40 na parangal mula sa iba’t iabng award-giving bodies sa bansa, kabilang na ang Awit Awards, MYX Music Awards, PMPC Star Awards for Music, Guillermo Mendoza Box-Office Entertainment Awards, at FAMAS Awards.

Nakagawa na rin ng mga kanta ang OPM rap icon para sa Star Cinema movies na “Trip” at “Jologs,” Kapamilya shows na “Nginiig,” “Star Circle Quest Reload,” “Go West,” “Kung Fu Kids,” “Rated K,” at “Krystala,” at nagprodus ng theme song ng “Mangarap Ka.” Bago iyan, naging finalist na rin siya bilang composer at interpreter sa 2002 “Himig Handog Love Songs” para sa kantang “Bakit.”

Tampok din sa “Sukli” ang collaborations ni Gloc kasama ang ilan sa artists na hinahangaan niya. Kabilang na rito si KZ na nakatambal niya sa awiting “Industriya,” si Ebe Dancel na tampok sa “Ang Probinsyano,” at si Monty Macalino ng Mayonaisse sa “Sagwan.”

Bahagi rin ng track list ang “Barya Lang,” “Payag,” at dalawang bersyon ng “Sukli” – ang original version kasama tampok si Maya at ang acoustic version naman tampok si Miro Valera.

Ang “Sukli” ay mapapakinggan na sa Spotify at mabibili sa record bars nationwide sa halagang P299. Maaari na ring ma-download ang digital tracks sa pamamagitan ng online music stores katulad ng ABS-CBN Store, iTunes, Mymusicstore.com.ph, Amazon.com, OneMusic.ph, at Starmusic.ph.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Starmusic.ph o sundan ang official social media accounts ng Star Music sa Facebook.com/starrecordsphil, Twitter.com/starrecordsph at Instagram.com/Starmusicph.

No comments:

Post a Comment

Summer vibes are on the way in Young Cocoa’s new EP, “liv, luvv, cocoa”

The rising phenom recruits Playertwo, CRWN, Brido, and other producers on this heavy-hitting project Young Cocoa reaches a new level of conf...